Ako ay simpleng maestra sa dakilang probinsya,
Naglilingkod nang tahimik kahit nasa tahanan pa.
Ano nga ba ako ngayon sa panahon ng pandemya?
Silbi ko ba'y di makita dahil wala sa kamera.

HIndi ako frontliner kung titingnan sa eksena,
Ngunit tungkulin ko ay ginagawa wala man sa eskwela.
Iba't ibang webinar nga ay dinaluhan ko na,
Upang kalidad ng edukasyon ay maiangat ko pa.

Ano ba ang nais ninyo sa akin bilang maestra?
Ang magtrapik sa kalsada, magpatrol at rumonda.
O di kaya'y sa ospital, sa'kin kayo magpalista,
Hawak ba'y "attendance sheet" sa pasyente ng ambulansya?

Nais ni'yo bang ako naman sa mga pulis ay sumama?
Quarantine pass ay hanapin kung kayo'y dadaan na.
Anong aking gagawin don? Magtatanong ng Algebra?
O History naman kaya kung saan kayo pupunta.

Ngayong malapit na ang pasukan, ako naman ang bibida;
Sa panahon ng pandemya, may "new normal" na sistema.
Sa "online registration", kayo sana ay magpalista.
Edukasyon isulong pa, kapit-bisig, sama-sama.

Maraming salamat sa pagtugon sa simpleng maestra;
Hangad ko ay kaligtasan ng mag-aaral sa eskwela.
Isulong din ang "blended learning" at pagsubok sa teknolohiya,
Habang "face to face" na paraan ay hinihintay pa.