Naaalala mo pa ba, panahong sama-sama?
Tayo ay lumalakad, naglulunsad ng programa.
Masasaya sa parada, sabay-sabay kumakanta
Lahat tayo'y nasasabik sa pasukang parating na.

Ngunit ngayon ay nagbago na sa panahon ng pandemya;
Nasaan ang katuwang kong maglinis at magpinta?
Sadya nga bang nilimot na ang nakagawiang programa?
O naghihintay lang na magbukas ang paaralang sinisinta.

Kamusta ka, Kabrigada! Nasasabik ka rin ba?
Bakit mukhang nasanay kang sa tahanan magpahinga?
Patuloy na lamang bang maghihintay ng ayuda?
Baka naman may sobra ka, ibahagi mo sa iba.

Sa panahon ng pandemya, mag-aaral namin ay kapos na;
Sa kakaunting pagkain, hati- hati pa sila.
Sa pagbili ng kwaderno, lapis, gunting at iba pa
Tulong ninyo'y mahalaga aking mga kabrigada.

Alam kong iba ngayon ang sitwasyong dinadala,
Mahirap ang pamumuhay, nagtitipid din ang iba.
Ngunit 'wag nating kalimutan ang mga batang musmos pa.
Sa ating pagtutulungan, tiyak sila ay giginhawa.

Ikaw aking kabrigada, kung sa salapi ay salat ka;
Sa " new normal" na sistema, subukan mong makiisa.
Sa bagong teknolohiya, tulungan kaming iprisinta
O di kaya' y ipagdasal nang tayo ay umusad na.