Nagsimula ang taon kong ako'y talagang maligaya,
Naglakbay sa Europa at Estado ng Amerika.
Umuwi sa Pilipinas na may pag-asang dala-dala,
Dahil maraming natutunan sa paglalakbay nang mag-isa.

Positibong pananaw lang ang baon kong alaala,
Sa buhay na matagumpay para na rin sa pamilya.
Ngunit sa isang iglap lang , isang positibong resulta
Hindi ko ito inasahan, ako ngayo'y nagdurusa.

'Di ko naman kasalanang mangarap para sa pamilya
Ngunit ngayo'y mag-isang hinaharap ang problema.
Sa apat na sulok ng ospital, umiiyak nang mag - isa,
Inilalaban aking buhay upang pamilya'y muling makasama.

Hindi man siguradong ako ay lalabas pa,
Pipti - pipting paghinga ko, aasahang tatagal pa.
Sa Diyos na aking Ama, ako'y patuloy na aasa
Sa paggising sa umaga, biyaya Niya ay sapat na.

Masakit man ang katawan ngunit ang puso ay maligaya;
Hindi ako nag-iisa, kasama ko'y aking Ama.
Sa pagdurusang nadarama, panalangin ang sandata
Ang Diyos ay laging tutugon para ako'y gumaling na.