Mula sa sinapupunan, ako'y inalagaan mo na
Minahal at inaruga kahit noong paslit pa.
Sa tuwing ako'y nadarapa, lagi akong kinakarga.
Tunay na dakila ka, di maturumbasan ng iba!

Sa aking kabataan, naulila na sa ama.
Ngunit ang pagmamahal mo'y naging sapat aking ina.
Hindi ni minsan nagkulang ang iyong pagsinta;
Mag- isa mong itinaguyod, anak mong ngayo'y "simpleng maestra".

Sa paglipas ng panahon, nanatiling matatag ka.
Araw-gabi'y nananahi para lamang kumita.
Lahat ng kagustuhan ko ay ibinigay mong buong saya,
Kaya pasasalamat ko sa iyo ay talagang kulang pa.

Nang ako ay nagtapos, nakita ko sa iyong mata;
Ang labis na ligaya dahil ako'y naging maestra;
Hindi ko man naabot ang pangarap na abogasya,
Pagiging maestra ay minahal ko para pasalamatan ka.

O mahal kong Precidita, ikaw na aking ina.
Sakit man ay ginupo ka at ang Diyos kapiling na;
Sana ay patuloy mong gabayan ang simpleng maestra;
Sa unti- unting tagumpay ko, mapangiti sana kita.