Ang pagdating mo'y tulad nang isang bagyo;
Biglang nabago ang takbo ng mundo;
Bayan na dati'y maingay at puno ng mga tao;
Ngayon mga pangarap ay tila naglaho.

Ang bawat isa sa atin ay sinubok na tunay;
Kung ang pananampalataya ay ugat na matibay;
Ang isip at puso ay nasukat ng Maylalang;
Kung pag-ibig o pag-iimbot ang siyang laman.

Ang mga musmos ay laging nananabik;
Laging tanong ay kailan manunumbalik;
Nais nang makaalpas sa pagkakapiit;
Nang masulyapan ang makulay na langit.

Sa panahon na ito na puno ng pangamba;
Ang kailangan natin ay pagkakaisa;
Taglayin sa puso ang ating pag-asa;
Tiwala sa Panginoon ang ating sandata.