I
Nang unang imulat ang mga mata
Pagmamahal nila ang unang nadama
Naging proteksyon ang mga bisig nila
Sa mahabang panahong hindi ko pa kaya

II
Sa kanila unang sumuso ng kaalaman
Ang batang noon wala pang alam
Maraming leksyon sa kanila’y natutunan
Na nagagamit hanggang sa kasalukuyan

III
Inalis sa kahon ng pag-aalala
Binulsa ang mga problema
Binuo ang mga kalat na piraso
Ng mga pangarap ng uniko iho

IV
Buong puso pinagmamalaki ko
Produkto ako ng isang mekaniko
Isang lalaking maprinsipyo
Hindi pabaya sa pamilyang binuo

V
Napupuno man ng grasa ang kanyang katawan
Walang bakas ng reklamo sa ami’y pinaramdam
Ang matinding sikat ng araw ay nilalabanan
Maitakas lang kami sa nagbabadyang kagutuman

VI
Tulad ni mama na isa ring palaban
Ang mga problema hindi nya sinusukuan
Siya ang laging nasasandalan
Tuwing sa dilim ay natatakluban

VII
Malabahaghari ang pag unawa
Sa mga mali na aking nagagawa
Sa mga sermon ng pag aalala
Hindi ko alam kung bakit ako natutuwa

VIII
Sa dami ng problema nilang pasan
Ayaw parin nilang sila ay tulungan
“kaya ko na ito anak mag aral ka nalang”
Munti nilang hiling, sana makayanang gawin

IX
Lilian at Maximo
Sila ang mga magulang ko
Ang mga sisira sa aking pangarap
Ay kapit-bisig nilang hinaharap

X
Kaya sa kanila gusto kong ipaalam
Pagmamahal nila’y di kayang tumbasan
Ma, Pa love-you/">I LOVE YOU! Gusto kong ipagsigawan
Hindi ako, kayo! Ang bida sa aking kasaysayan.